PUP Online repository: Araling isla/ island studies

1. Awtonomus na Araling Filipino

Halaw sa disertasyong “Nagsasariling Araling Filipino” tungkol sa tatlong bahay-saliksikan ng Center for Kapampangan Studies, Cebuano Studies Center at Mindanawon Initiatives for Cultural Dialogue. Ang dinamiks lokal at pambansa ay matatagpuan sa pagdadalumat ng sarili at kasarinlan: mula sa daluyong na sinimulan nina Jose Rizal at Isabelo Delos Reyes ang Philippine Studies, area studies, Pilipinolohiya at araling pampook.

 

Pinroblematisa ng pag-aaral ang dinamiks ng pook at pambansang diskurso sa tatlong bahay-saliksikan sa pagtatangkang sagutin ang sumusunod: mga pinag-ugatan ng lokal at Pambansa; natatangi at nabubukod na katangian ng sinupan, aklatan, pananaliksik at museo; interaksiyon at pagbabago ng pampook at araling Filipino at ambag dito sa kontemporaryong panahon.

 

Sa pamamagitan ng grounded theory ng pagpopook at paglulugar ng mga bahay-saliksikan sa bansa, nakabuo ng emergent theory sa pagsasarili mula sap ag-usbong mula sa sarili, ka-sarili, sarilinin at kasarinlan. Natuklasan ang bagong bugso ng nagsasariling Araling Filipino o Awtonomus na Araling Filipino sa pagitan ng araling pampook at implikasyon sa Pilipinas (Bayan, Pamayanan at Bansa) maging sa Asya (Timog Silangang Asya, ASEAN at Ikatlong Daigdig).

 

  1. Araling pang-isla at pangkapuluan

Dokumentasyon sa pagpapayaman ng Araling Pamana sa isla at kapuluan batay sa Graduate Diploma in Cultural Education (GDCE), Bachelor of Culture, Arts Education (BCAEd) maging sa HIbla Local Filipina ng Book Nook Marinduque at SineMarinduke mula sa klase ng Communication Elective 3: Cross-Cultural Communication.

 

Simula noong 2018-19, nagkaroon ng unang batch ng GDCE sa Marinduque na mayroong dalawang antas, isa sa tampok na CulEd na kurso ay 206: Culture-based media documentation. Kaugnay nito ang mga thesis ng unang batch ng BCAEd tungkol sa mga pamanang higit pa sa nasasalat. Samantala, ang Hibla Local Filipina ay gawain ng Book Nook na flagship na programa ng National Book Development Board (NBDB). Ang naging implementasyon nito sa Book Nook Marinduque ay kombinasyon ng pagkukuwento, sayaw, pagguhit, dulaan at pagsulat ng awit.

Ang huling bahagi ay para naman sa maiksi pero masusing saliksik kahingian sa Comm Elect 3 sa pamamagitan ng bidyo ethnograpi nagsilbing ambag din sa Quadrisentenaryo ng bayan ng Boac.