Mga Gawain para sa Ika-27 taong Paggunita ng Pagtagas ng Basurang Mina sa Ilog Boac

Boac, Marinduque – Ang Marso ay hindi lamang buwan ng kababaihan, may pitak sa alaala ng mga naninirahan sa hugis-pusong isla at geodetikong sentro ng kapuluang kilala sa Moryon at Marcopper ang nangyari sa ilog ng Boac. Muling naulit ang trahedya sa baybay ng Calancan at Mogpog bago tuluyang maipasara at madeklara ang moratorium. Tubong-Marinduque ang babaeng makata at patuloy na binibigkas ng dila ang kinalakhan niyang wika. Mapakikinggan sa tula ang boses ng persona, hindi nakatanghod kundi taas-kamaong bumabaka, lumalaban at bumabalikwas. Ang parnaso ni May Morales-Dolis ay matalas na sundang na nagbibigay ng gunita para sa nahihimbing at nakalilimot. Binubuo ang koleksiyon ng 15 tulang animo’y mga inusal na dasal sa Kabisera ng Kuwaresma sa Pilipinas. Kagaya ng mga misteryo ng hapis, may ginhawa para sa mga nagsipaghimagsik.

 

Sa pambungad na tula, kung halaw ang pamagat ng parnaso, may pagbabadya “ang malaking baha, bahay ng basurang mina/ Ay nakalamat, nagiba at kailangan ninyong lumikas!/ Kaagad-agad. Pabundok. Palaot/Pasimbahan.             Kahit saan.” Ang isa naman ay parodiya ng dalangin, para sa patron ng lalawigan, “Ang ina ng Biglang Awa.” Nasa paggitan ng mga linya ang buntong hininga, pagkalagot nito, sabi nga “Pagkaumaga ay ang pagbaha/ alimasag       kalapay       tulya/ siit          yagit/ buang       uyo          palapa.”

 

Ang siklo sa isang tula ay maghapon sa buhay ni Kid Talaba kagaya ng tulang “Sa Paglayag ng Ating Bangka.” May mga patlang at agwat ang mga tanong sa mga sagot o tugon. Sabi sa isang bahagi ng saknong, “Ano raw ang hain mamaya at bukas?/ Kalahating araw, karampot na isda/ Ang ating kinilo sa palad pagbaba.”

 

Matutunghayan pa sa kabuohan ng koleksiyon ang mga imahe, pook, persona at salia mula sa gunita ni Morales nasa linya, anyo at retorika. Kung imamapa ang mga tula, iba-ibang imahe tungkol sa kawalan ng buhay ang makikita kagaya ng pagpanaw, kamatayan, alanganing buhay, maging puntod, nagdurugo, nakatalungko, binuong Paraiso, pasiyam, koronang bulaklak, huling hantungan,  nalunod, pinatahimik,  hangganan, mag-aagaw-buhay, pag-agos ng karimlan at mga puntod.

 

Gayundin, ang mga lunan at pook ay tumutukoy sa aktuwal at totoong mga lugar tulad ng Bato/ Baryo Bato, bayan, Maligaya (Brgy.), ilog Boac, Tapian (Santa Cruz),  baryo (Bato/Maligaya), kapitolyo , taga-Calancan (Santa Cruz), San Antonio (Santa Cruz), tubong-daanan,  baybayin, ang ilog,  dike, sanga-sangang sapa, isla at dagat. Maging mga persona makikilala ay pamilyar at mismong tao: kid talaba, Biglang Awa, Remedios, empleyado,  minero, nag(Panginoon), turista, Precy Narzoles, mga ayungin,  kumpanya at ang mga opisyal.

 

Ang pinakatampok sa tula liban sa pangmatagalang epekto ng basurang mina ay ang mga salita, termino at konseptong lulan ang diwang Marinduque tumatagos sa kalikasan, babae at aktibismo. Ang ilang salita mula sa Tagalog Marinduque ay ang mga sumusunod: kainaman, kalapay, siit, uyo, agod, pamamaraka, nagtitika-tika, gurlis, ngani, baya,  mandin, dine, baga,

pautik-utik, banlik at pulapol.

 

Sa matagalang papel-pananaliksik ni Prof. Panchito Labay ng Marinduque State University, “Squandered Beauty: of economy and tragedy…the social history of mining in Marinduque,” maaaring matagpuan ang konteksto. Nagsimula pa noong 1930s ang “chronology of destruction” sa Marinduque Iron-Belt bago pa ang Digmaang Pandaigdig. Hanggang 1950s sa mga loobang bayanan, 1960s sa bayan ng Mogpog at Santa Cruz bago pa ang ginugunita ngayong Marso.

 

Mayroon ding inisyatibang alalahanin ang nangyari sa Calancan Bay sa bisa ng Resolution ng Brgy. Ipil, Santa Cruz Kapasyahang pinagtibay nagpapahayag ng paninindigan at panawagang madeklara ang “Mining-Free zone” at mariing pagtutol sa anumang uri ng pagmimina. Kaugnay nito ay magkakaroon ng Likha webinar series tungkol sa kalusugan at polusyon kasama ang MSC College of of Environmental Science, nakikiisa ang dekana Dr. Vangie Mandia sa pagkamit ng hustisya sa pagmimina.  Ang Marinduque Council for Environmental Concerns (MACEC) sampu ng Diocese of Boac Social Action Commission at maging mga umuusbong na kabataan ng The HEarth Movement (THM) ang mga gawain sa paggunita ng nangyari sa Ilog Boac noong Marso 24, 1996.